Home » Blog » IKAPITONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKAPITONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

MAUNA KA NANG MAGPARAYA

LK 6; 27-38

MENSAHE

May mga aral sa Bibliyang nagbibigay lugod at kapanatagan sa atin. Subalit mayroon din nakababagabag tulad ng mga salitang nasa Mabuting Balita ngayon na talagang na humahamon sa puso at isip ng nagbabasa o nakikinig.

Inaasahan, karaniwan, at tamang isipin na dapat nating sundin ang tibok ng puso lalo kapag nasasaktan – ang lumaban sa kaaway, ang maghiganti sa nanakit, ang bumawi sa kinuha, ang mabuhay ayon sa panuntunan ng “mata sa mata.”

Para sa Panginoong Hesukristo, ang mga matang ito ay ang mga “nabagong mga mata ng pananampalataya,” handang gawin ang praktikal subalit masakit gawin – buksan ang puso, banatin ang puso, at palawakin ang puso. Kaya tinatawag niya tayong hindi lang magpatawad kundi magmahal pa sa kaaway, hindi lang magpahiram kundi magbigay nang walang kapalit na inaasahan, at hindi lang magpigil ng sarili kundi magsulong ng pagkilos sa kapayapaan.

Tila mahirap limutin ang mali ng kapwa, o huwag hangaring ibalik ang kinuha o hiniram, o iwasang manghusga at humatol sa masasama. Magagawa lang natin ito dahil sa ang Panginoong Hesukristo ay namatay para sa atin at muling Nabuhay para turuan at gabayan tayong magbigay at magpatawad tulad niya. Sa nagtatagumpay, may pangakong mga biyaya ang Panginoon: hindi ka hahatulan, ikaw ay patatawarin, bibigyan ka ng husto, siksik, liglig at umaapawa pa!

MAGNILAY

Isipin ang mga taong nakasakit sa iyo at gumawa ng masama sa iyong mga mahal sa buhay. Bagamat hindi madaling marating ang pagpapatawad at pagmamahal sa kanila, unti-unting sanayin ang sarili na ialay sila sa Panginoon sa panalangin at hangarin na magkaroon sila ng kapayapaan. Dahan-dahan, darating din ang kapayapaan mo. Amen.