IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA K
ANG HINIRANG
LK 9: 28b-36
MENSAHE
Ang Pagbabagong-anyo sa salaysay ni San Lukas ay may munti subalit mahalagang pagkakaiba sa ibang ebanghelyo. Kung kay San Markos at San Mateo, si Hesus ay tinawag ng Ama na “minamahal” na Anak, kay San Lukas, siya ay ipinakilala bilang “hinirang” o “pinili” na Anak. Ang kaibahang ito ay may malalim na kahulugan.
Ayon sa mga eksperto, ang taguring “hinirang” ang nagpapakilala ng natatanging misyon ng Anak – “hinirang” para sa mahalagang atas. Ang paglitaw nina Moises at Elias ang nagpapatibay nito, bilang kinatawang ng Batas at mga Propeta – ang haligi ng pananampalataya ng Israel. Kay Hesus, ang mga sinaunang pangako ay natutupad na. Siya ang sentro ng kasaysayan ng kaligtasan, at ang kanyang kaluwalhatian ay nagningning nang maging ang mga yumao ay nabuhay muli sa kanyang harapan. Isa itong pahiwatig ng kanyang tahasang misyon: ang maghandog ng buhay na walang hanggan sa mga lumalapit na may pananampalataya.
Ang taguri na “hinirang” din ay sumasalamin sa sariling pasya at pagtatalaga ng sarili ni Hesus. Hindi lamang siya hinirang ng Ama, kundi pinipili din niyang sumunod, maglingkod, at magmahal – kusang loob na “hinirang” niya ang landas para maglingkod. Ang misyon niya ay hindi isang atubiling tungkulin kundi bukal sa loob at maligayang pagbubuhos ng sarili sa kanyang mga inangking kapatid. Kung pamilyar kayo sa sikat na TV series na “The Chosen,” makikilala doon ang makapangyarihang paglalarawan sa Panginoon bilang malalapitan. Hindi siya malayo o nakabukod, kundi tunay na kapiling at kasalo, kabahagi sa lahat ng galak at dusa ng kanyang mga kaibigan at mga alagad.
Sa Kuwaresmang ito, inaanyayahan tayong masdan ang Panginoong Hesukristo bilang Hinirang na Anak ng Diyos – hindi nagigiliw sa pagiging mataas kundi siyang yumuyuko upang lumapit sa ating mga karanasan sa buhay. Hinihirang niya tayo upang mahalin, iligtas, at maglakbay tungo sa landas ng pagsisisi, pagpapatawad, at pagbabagong-anyo!
MAGNILAY
Hinihirang ka ni Hesus, ang Hinirang ng Diyos, upang maging kanyang kapatid at kaibigan. Sa pamamagitan ng kanyang pagmamahal, hinihirang ka ng Ama tungo sa buhay ng kabanalan at kapayapaan. Idalangin natin sa Espiritu Santo na tulungan tayong matuklasan na tayo ay hinirang din – upang mamuhay para sa Diyos at para maglingkod sa kapwa, ayon sa halimbawa ni Hesus.