Home » Blog » UNANG LINGGO NG KUWARESMA K

UNANG LINGGO NG KUWARESMA K

PAGSASABUHAY NG KUWARESMA

LK 4: 1-13

MENSAHE

Taun-taon tayong naglalakbay sa Kuwaresma sa pag-asang ito ang magiging pinakamakahulugang kabanata ng buhay natin. Subalit ang bawat Kuwaresma ay kakaiba, laging nag-aalay ng bagong karanasan. Ngayong taon, yakapin natin ang diwa nito sa pamamagitan ng mga sumusunod:

MAKINIG

Ang Kuwaresma ay panahon espirituwal na pag-iisa, pagtahak ng landas kasama si Hesus nang apatnapung araw ng panalangin at sakripisyo. May maigi pa bang paraan na isakatuparan ito kung hindi ang making – tulad ng Panginoon – sa Espiritu Santo? Napuno siya ng Espiritu Santo at dinala siya nito sa ilang, tulad ng nasasaad sa Mabuting Balita. Turuan natin ang sarili na makinig muli, makinig muna – at hindi mag-browse, mag-scroll, mag-chat, mag-text, manood – subalit manahimik at makiramdam sa tinig ng Diyos sa ating puso.

MAGKATIWALA

Sa ilang, walang sinandalan ang Panginoong Hesukristo maliban sa Ama at sa panalangin. Kung isinuko niya lahat sa Diyos, mas higit na kailangan nating gawin ito. Ipagkatiwala natin sa Panginoon ang ating mga kahinaan at kapalpakan, mga kasalanan at mga sugat. Madalas, nakasandig tayo sa material na ginhawa at mababaw na kaligayahan. Panahon ngayon upang itaas sa Diyos ang ating mga pasanin at alalahanin dahil siya ang nagmamahal at nagmamalasakit sa atin.

MAKIRAMDAM

Bagamat tinatanggap natin ang ating mga pagkakamali at mga pakikipagsapalaran, ang Kuwaresma ay hindi lang tungkol sa sakripisyo o parusa sa kasalanan. Higit sa lahat, ito ay tungkol sa walang hanggang pagmamahal at awa ng Diyos. Bago ang lahat, pakiramdaman natin ang kanyang presensya sa ating buhay, sa mga tao sa paligid, sa mga biyayang baka nakakalimutan nating kilalanin. Mag-unahan tayong pansinin ang grasyang dumadaloy sa ating paglalakbay.

MAGTAGUMPAY

Ang Kuwaresma ay hindi disyertong walang kahihinatnan; ito ay landas tungo sa tagumpay. Ang Krus na ating minamasdan ay hindi ang huling hantungan – ang dulo nito ay ang Muling Pagkabuhay. Habang nagninilay tayo sa mga sakripisyo ni Kristo para sa atin, tanawin na natin at angkinin ang galak ng Pasko ng Pagkabuhay kung saan tayo inaakay ng Panginoong Hesus na makiisa sa kanya at makipagdiwang.

MAGNILAY

May apatnapung-araw tayo upang makinig, magkatiwala, makiramdam, at magtagumpay. Panginoon, isugo mo po ang Espiritu Santo upang dalhin kami sa ilang sa piling mo, upang magkaroon ng higit na pananampalataya, pag-asa at pag-ibig.