Home » Blog » IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA K

IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA K

NABITAG NG PAG-IBIG

JN 8: 1-11

MENSAHE

Ang babaeng haliparot ay nabitag sa mismong akto ng pangangalunya… kahit pinakawalan nila ang lalaki. Kinaladkad siya sa kalye ng kahihiyan. Handa na ang kanilang husga at napagpasyahan na ang kanilang parusa – batuhin hanggang mamatay.

Ano sa tingin mo ang nasa isip at puso ng babae? Palagay ko para siyang yelong natutunaw sa init, nanginginig sa takot, nananaghoy sa dusa. Kasi, walang sinuman ang kakampi niya. Batid niyang ito na ang wakas ng lahat para sa kanya.

Subalit nagkamali ang mga Pariseo. Dinala nila ang makasalanan kay Hesus. Kung may mga taong hinahanap ang Panginoon, ito ay ang mga nadapat at nagkamali sa buhay. Mahal ng Panginoon maging ang mga Pariseo dahil makasalanan sila, pero tumatanggi ang mga ito na tanggapin ang kanilang pagkukulang. Kaya itinutok ni Hesus ang kanyang mga mata sa babae, at napansin ng babae na nasa harap siya ng kakaibang tao. Mula sa pagkabihag niya sa kamay ng mga tao, tumakas siya at lumundag sa mga kamay ng habag.

Hindi sinabi ni Hesus na walang sala ang babae. At hindi niya binalewala ang bigat ng kanyang pagkakamali. Hindi niya itinuring siyang walang pananagutan. Subalit dahil nangusap ang kanyang puso, humingi ng pagmamahal, pang-unawa at patawad, pinayagan ni Hesus na madama niya ang maamong pag-ibig ng Diyos.

MAGNILAY

Ngayong linggo, magsimula tayong magbukas ng sarili sa maamong puso ng Diyos.  May krus sa aking silid na hinahalikan ko tuwing umaga, sabay bulong: “Maamo at mapagmahal na Panginoon, tulungan mo ako sa araw na ito.” Sa bawat sakripisyo at penitensya sa Kuwaresma, manalig tayo na ang Diyos ay hindi marahas at malupit, kundi maamo at mapagmalasakit sa ating mga makasalanang nagsisisi. Hindi ba dapat din tayong maging ganito sa ating kapwa?