IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY K
SA YAKAP NG PASTOL
JN 10: 27-30
MENSAHE
Isang matandang babae ang araw-araw na naghihintay sa isang malayong probinsya, sa istasyon ng bus, at kinikilala bawat dumarating na pasahero. Taon na ang lumipas nang nagpaalam ang kanyang anak na babae upang sumama sa asawa nito sa isang hindi malamang lugar at mula noon ay hindi na nagparamdam pa. Sa puso ng ina na ito, nangungulila siya sa araw ng pagbabalik ng anak sa istasyon ng bus kung saan niya huli itong nakita. Nang mapanood ko ang kuwentong ito, hindi ko mapigilang mapaluha.
Sa ika-10 kabanata ng Mabuting Balita ni San Juan, inilalarawan ng Panginoong Hesukristo ang sarili niya bilang ang Mabuting Pastol. Tila mahirap isipin ang ugnayan ng pastol at kawan sa ating bansa ng mga kalabaw, kambing at baboy. Walang pastol ng tupa sa atin tulad ng sa Gitnang Silangan. Subalit ang diwa ng pastol na tinutukoy ng Panginoon ay pag-ibig – pagmamahal sa kawan – na hindi nalalayo sa pag-ibig ng matandang ina na nagnanais muling yakapin ang anak.
Kung tutuusin, mas matindi pa ang pagmamahal ng isang pastol. Hindi lang siya naghihintay kundi naghahanap. Tumatawag siya at sumisigaw dahil kilala ng kawan ang kanyang tinig. Nagbibigay-buhay siya, sa pamamagitan ng sariling pag-aalay bilang kanilang tanggulan, bilang kanilang depensa at proteksyon. Sa Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoon, tayo,m ang kanyang kawan, ay nasa kanyang mga palad magpakailanman.
Itong panahon ng Pagkabuhay ang pagbubunyag ng awa at pagmamahal ng Diyos para sa kanyang kawan, sa mga nilikha na itinuring niyang mga anak, sa mga anak na inampon niya sa kanyang puso. Subalit panahon din ito ng paanyaya para sa atin na tumugon sa mensahe ng Pagkabuhay na makinig sa kanyang salita, humango ng buhay mula sa kanyang puso, at magnais na matagpuan lamang sa kanyang piling; ito ang pagpapatuloy ng pagbabago at pagbabalik-loob na naranasan natin sa Kuwaresma.
MAGNILAY
Pagmamahal ng Diyos – narinig na natin mula sa pagkabata; tinalakay sa mga aklat, pangaral, aral at mga talumpati. Subalit ang pagmamahal ng Diyos, ang pag-ibig ni Hesus na Mabuting Pastol, ay tumatawag ng tugon ng pusong nakikinig at tumatalima sa kanya. Handa ka na bang magbalik at maranasang muli ang mainit na yakap ng Pastol?