Home » Blog » IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K/ SAN PEDRO AT SAN PABLO

IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K/ SAN PEDRO AT SAN PABLO

SALIGAN NG PANANAMPALATAYA

MT 16: 13-19

MENSAHE

Ipinagdiriwang natin sa Linggong ito ang pag-alala sa mga apostoles ng Roma, sina Pedro at Pablo. Paalala ito na ang simbahang Katolika ay isang pamayanang apostoliko, nakatuntong sa pananampalataya, pagsaksi at pagbubuwis-buhay ng mga apostoles.

Hindi ba tila nagbabalik tayo sa mga araw ng “conclave” o eleksyon ng ating bagong Santo Papa, Leo XIV? Naghahanap tayo noon ng isang bagong Santo Papa, hindi bilang kapalit ni Pope Francis lamang, kundi ng kahalili ni San Pedro, ang unang obispo ng Roma at pinuno ng mga apostoles. Kay Pope Leo XIV, nakamtan natin ang ika-267 na kahalili ng mangingisda sa Galilea.

Ano ang kahalagahan ni San Pedro? Siya ang tumanggap ng mga pangako ng Panginoong Hesukristo, ang naging batong tuntungan ng simbahan. Si Pedro ang may hawak ng susi ng Kaharian, ang siyang may kapangyarihang magtali at magkalag tanda ng kapatawaran sa ngalan ni Hesus. Bagamat hindi nakabawas sa dangal ng ibang apostoles, ang pagpili kay Pedro ay nagbigay sa lahat ng isang sentro, isang batayan, isang matibay na basehan ng pananampalataya. “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” – ang pahayag ni Pedro ay siyang itinatangi din ng ating mga puso.

Subalit sa kabila ng lahat, si San Pedro ay hindi perpekto, gayundin si San Pablo. At walang ni isa sa mga apostoles ang natagpuang walang bahid-dungis. Tulad natin, may mga kahinaan din sila at pagkakamali, pag-aalinlangan at kakulangan. Subalit ipinakita sa atin ni Pedro at Pablo na maaaring bumagsak at tumayong muli, magkamali at makaunawa, manghina at mapanariwa, kung kakapit tayo sa pananampalataya kay Hesus na Panginoon natin. Ito ang pananampalataya nilang nag-uugnay sa atin sa Panginoon Hesus.

MAGNILAY

Mabuhay ang Santo Papa! – natatandaan mo pa ba ang sigaw na ito? Sigaw ng kagalakan at ng panalangin para sa ikalalakas at ikababanal ni Pope Leo. Habang idinadalangin natin siya, hilingin din natin ang mas malalim na pananampalataya tulad ng ipinagkaloob sa mga apostoles, dahil tayo din ay mga apostoles ng Panginoon sa ating panahon ngayon; hilingin natin ang pag-asa sa gitna ng ating mga kahinaan, tulad na kanilang naranasan nila mula sa mga kamay ni Hesus.