IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
GAANO ANG PANANAMPALATAYA MO?
LK 17:5-10
MENSAHE
Kahanga-hanga ang mga matagumpay na negosyante lalo na ang nagsimulang maliit ang budget, kaunti ang gamit, at katamtaman lang ang hinangad. Mula manlalako hanggang may-ari ng malaking tindahan, mula karinderia hanggang restawran na, mula online selling hanggang import business na pala. Hindi mahalaga paano nagsimula; matalino silang nagsagawa ng layunin, lakas ng loob, at laban sa buhay.
Sa buhay pananampalataya, pinarangalan ng Panginoong Hesukristo ang ganitong prinsipyo ng maliit na simula na walang ingay at palabas. Paano nga ba mauutusan ng butil ng mustasa ang puno ng sikomoro? Ang butil ng mustasa ay halos di mo makita, tila tuldok sa papel. Nang mag-uwi ng butil ng mustasa ang aming propesor mula sa Israel, binigyan kaming lahat. Sa sobrang liit ng butil, isang malakas na hangin lang at tinangay agad ang butil ng mustasa ko.
Malinaw ang mensahe: Hindi nasusukat ang pananampalataya sa laki nito kundi sa tatag, lakas, tagal, at kababaang-loob. Iyong mga maingay sa paghahayag ng kanilang pananampalataya at laging nagbabanggit ng sipi sa Bibliya, nangangaral sa iba, nanghihikayat sa kapwa, at nagsasabing ligtas na sila, karaniwan ding unang bumabagsak pagdating ng tukso at pagsubok. Subalit ang pananampalataya ng mga karaniwang tao, na simpleng nagsasabuhay ng katapatan, pagmamahal at dedikasyon, ang tunay na kalugud-lugod sa Diyos. Sinasabi nila, “kami ay walang kuwentang alipin,” at natutuwa ang Diyos sa kanila.
Sinabi ng isang magaling na artista na sa showbiz, hindi mahalaga ang kasikatan kundi ang patagalan. Maaaring sikat ka ngayon pero bukas laos ka na. Maaaring hindi ka nga bida, pero tuloy naman ang mga simple, karaniwan at mahalagang proyekto na iniaalok sa iyo.
MAGNILAY
Minsan ba, parang insecure ka na sa mga taong malakas ang pagpapahayag ng kanilang matibay daw na pananampalataya? Tandaan mong hindi kahilingan ni Hesus ang drama at palabas sa pananampalataya. Ang tanging nais niya ay simpleng pananampalataya na magdadala sa atin sa gitna ng mga karaniwang pakikibaka at paghamon ng buhay. Ipanalangin nating magkaroon tayo ng pananampalatayang singlaki ng butil ng mustasa!