DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT SA LANGIT NI HESUS A
ABOT-KAMAY ANG LANGIT
MT. 28: 16-20
MENSAHE
“Nang ikatlong araw, nabuhay siyang mag-uli; umakyat sa langit at naluluklok sa kanan ng Ama.” Kaakit-akit na paksa itong langit, mula nang sinabing ang Panginoong Hesukristo ay nagbalik sa langit matapos ang buhay niya sa lupa. Ang dam inga awitin na nagbabanggit ng langit: “Lupa Man ay Langit na Rin,” “Hanggang Doon sa Langit,” “Hulog ng Langit,” at iba pa. Baka may alam pa kayong iba?
Subalit ano ba talaga itong langit na sinasabing pinuntahan ni Hesus? Una, ito ay lugar, subalit hindi tulad ng lugar na iniisip natin. Hindi ito lokasyon na umpukan ng mga anghel, santo at mabubuting tao, na maghapong nakaupo sa ulap at tumutugtog ng harpa. Ito ay tagpuan ng pag-ibig. Ang langit ay lugar para sa mga natuto at nagsabuhay ng pagmamahal. Walang kasakiman at pagkapoot sa langit.
Ikalawa, ang langit ay hawak-kamay, kapit-bisig. Opo, ang langit ay nagdudulot sa mga tao ng karanasan ng pagkakakisa, pagkakalapit, pagkakabuklod. Si Hesus ay may ganap na kaisahan sa Ama at sa Espiritu at lahat ng tagasunod niya ay mga taong namuhay nang may malalim na pakikiisa sa Diyos at pakikiramay sa kapwa.
Ikatlo, ang langit ay kaloob, regalo. Walang makaa-angkin ng langit. Walang makagagawa nito sa sariling kapangyarihan. Hinihintay natin ang langit dahil ito ay dalisay na biyaya. Hindi tayo karapat-dapat dito subalit nagbubukas ng Diyos ng pintuan, at ang pintuang iyan ay ang kanyang Anak na si Hesus. Tulag ng ibang kaloob, tanging kailangan natin ay tanggapin, iwanan ang iba pa, at yakapin ang langit na handog sa atin.
MAGNILAY
Dahil ang langit ay pakikipagtagpo sa pagmamahal, karanasan ng pagkakaisa, at kaloob, ibig sabihin, dito pa man sa lupa ay mararanasan na natin ito. Hilingin natin sa Panginoon ang biyaya na mapalapit sa langit araw-araw sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng pag-ibig at paglilingkod.