Home » Blog » IKALABING-ISANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKALABING-ISANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

BAKIT KAILANGANG MAGDASAL?

MT 9: 36-10:8

MENSAHE

Karaniwan nang marinig ang reklamo ng mga tao sa mga pari: “Walang mahagilap; lagi silang wala.” “Hindi magaling mamahala; ang gulo ng aming simbahan.” “Bakit nagiging materyoso ang mga batang pari ngayon?” Subalit madaling makalimutan na maraming tahimik at magiting na mga pari na naglilingkod sa mga mahihirap, nagsusulong ng katarungan, nanganganib ang buhay sa mga lugar na may kaguluhan, at namamatay na payak at simple lamang.

Sa gitna ng mga nararapat nap una sa mga pastol ng simbahan, ito ang masasabi ng Panginoong Hesukristo: “Hilingin sa may-ari ng anihan na magpadala ng manggagawa… Magdasal sa panginoon ng anihan na magsugo ng marami pang mag-aani.” Ang una, at hindi tangi o huling solusyon, na binabanggit ni Hesus ay manalangin. Bakit?

Kapag nagdadasal tayo para sa mga pinuno ng simbahan, pari man o layko, ginigising ng Panginoon sa kanila ang sarili niyang damdamin ng pagmamahal sa mga tao. “Nahabag si Hesus” sa mga tao. Ang tawag ni St. John Paul II dito ay pastoral charity, ang pagmamahal na tulad ng sa puso ng Panginoon na itinatanim niya sa mga pastol at pinuno ng pamayanan.

At kapag nagdarasal tayo para sa mga lider-pananampalataya natin, nauunawaan din natin ang dapat nating gawin upang makatulong sa situwasyon. Hindi sapat ang pumuna. Hindi sapat ang magreklamo. Kailangan din pala magbigay at makiisa dahil hindi madali maging lider at lahat tayo ay makatutulong. Hinihipo din ni Hesus ang ating mga puso, na maging kasangkot sa anumang maliit na paraan upang maibsan ang pasanin ng mga namumuno sa atin.

Ang pamumuno, saanmang sector ng lipunan, ay talagang mahirap. Maraming lider ang nakakaramdam ng pag-iisa at pagod sa pagbubuhos ng sarili na walang suporta at papuri. Marami ding tukso na malapit sa kanila tulad kayabangan, katamaran, pagkaganid, at kapangyarihan. Kung tutuusin, maging mga pinuno ay tao din. At kaya kailangan nila ang bisa ng taimtim na panalangin.

MAGNILAY

Sa harap ng mga kahinaan ng ating mga pinuno at lingkod sa simbahan, ano ang ginagawa mo? Nalulungkot at nadidismaya lang? Nagagalit at lumalaban lang? O nagdarasal din para sa kanilang kabanalan at para sa sarili mong hamon na makisangkot sa misyon?