IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
ANG BUONG SAGOT
MT 22: 34-40
MENSAHE
Madalas tayong magbiro tungkol sa palihis nating paraan ng pagsagot. “Kumain ka na?” “Busog ka ako.” “Nasaan ba ang eskwelahan?” “Malayo dito iyon.” Tila ganito din ang nagaganap sa palitan ng Panginoong Hesus at ng nagtatanong sa kanya. Ano po ba ang pinakadakilang utos? Sa halip na “utos,” nagbigay ang Panginoon ng “dalawang utos.” Bakit kaya?
Nililito ba ng Panginoon ang kausap niya? Sa totoo lang, hindi niya nililito, kundi pinalalawig niya, ang konteksto ng talakayan. Nagbibigay si Hesus, hindi ng “tumpak na tugon” na inaasahan, kundi ng “kumpletong tugon” na kinakailangan. Dahil ang pinakamahalagang utos ay hindi eksklusibo; dapat din itong maging “kumpletong utos,” ng Diyos. Dahil ang pagmamahal ay dapat kabilaan at buo; hindi pilay at isa lang ang tuntungan. Dahil ang pagmamahal sa Diyos ay pagbubukas ng puso sa mga minamahal niyang mga tao.
Natutunan ito ng mga alagad ng Panginoon nang sinabi ni Juan (1 Jn 4: 20) that hindi maaaring mahalin ang Diyos na hindi nakikita kung hindi mamahalin din ang kapwang nakikita mo. Ito ang hiwaga ng pag-ibig. Sa mga kulturang tulad sa atin, kapag nagmahal ka ay dapat handa ka ring mahalin ang pamilya ng mapapangasawa mo. Kahit ang babaeng nais magmadre o lalaking gustong magpari ay nangangako na sa pagyakap sa Diyos, iaalay din nila ang buhay para sa kanilang mga kapatid. At ang mga nagtatrabaho sa opisina ay hindi lamang nakatutok sa kanilang sariling report kundi maging sa lahat ng adhikain ng kanilang buong kumpanya.
Ipinapaalala sa atin ng Panginoon ang pagsasapalaran, ang pagsusugal na kalakip ng pagmamahal. Aayusin nito ang iyong kaluluwa subalit patatatagin din nito ang iyong mga paa, na nakatuntong sa lupang ginagalawan mo at ng mga kahalubilo mo.
MAGNILAY
Madalas natin isipin na ang ugnayan natin sa Diyos ay pribado. Personal ito, pero hindi pribado. Pansarili pero hindi makasarili. May kalakip na hamon na makipagkapwa-tao. Iwasan nating isipin na kapag nasa anino tayo ng Diyos ay hindi na tayo makikita ng ibang tao.